Ang Pinakamatagumpay na Seryeng Pampelikula

6 Nov

Halos nasa sulok na ang Kapaskuhan. Ramdam na ang malamig na dampi ng hangin at ang mga tugtuging  Pamasko ay madalas nang naririnig. Isa sa napakarami kong inaabangan tuwing sasapit ang Pasko ay ang taunang Metro Manila Film Festival na idinaraos sa ganap na ika 25 ng Disyembre at minsan umaabot pa hanggang ikalawang lingo ng Enero ng susunod na taon.  Mahigit kumulang sampung pelikulang Pilipino ang sabayang ipinapalabas sa mga sinehan na pawang mga de kalidad dahil binusising maigi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpili ng mga kalahok.

Para sa ika 35th taon ng MMFF sa susunod na buwan, hindi ko maitago ang pagkasabik na mapanood ang Mano Po 6: My Mother na isa mga kalahok sa paligsahan. Itinatampok dito ang Megastar na si Sharon Cuneta kasama sina Heart Evangelista, Christopher de Leon, Zsa Zsa Padilla at marami pang iba. Sa mahigit 30 taong karera ni Sharon ay ngayon pa lamang siya makakagawa ng isang buong pelikula sa bakuran ni Mother Lily. Una ng nakapagtrabaho ang Megastar sa Regal nang siya’y nagpaunlak na lumabas bilang panauhing artista sa pelikulang pinagtambalan nina Judy Ann Santos at Ogie Alcasid na Oh My Girl! noong nakaraang Hulyo.

Katulad ng inaasahan, ang ika anim sa serye ng Mano Po ay hitik sa mga nagsilakihang bituin na hindi pahuhuli sa mga naunang Mano Po. Maliban sa mga naunang nabanggit, kasama rin sa pamosong pelikula na ito sina Dennis Trillo, Boots Anson Roa, Ciara Sotto at JC de Vera. Mahalagang papel naman ang gagampanan ni Kris Aquino bilang matalik na kaibigan ng karakter ni Sharon. Sariling pagkukusa ni Kris ang hindi pagtanggap ng bayad makahanay lamang ang Megastar sa pelikulang ididirihe ng batikang direktor na si Joel Lamangan. Sa nakaraan, matatandaang nakadalawang beses ng gumanap sa Mano Po ang bunsong anak ni Cory.

Mano Po noong taong 2002 ang nagsilbing pagbabalik pelikula ni Kris pagkatapos ng halos limang taong hindi paglabas sa pinilakang tabing. Isang katuwang na papel ang ginampanan niya sa unang pelikula ng Mano Po na nanguna sa takilya sa 28th MMFF na umani ng halos P70 million sa loob ng tatlong linggo. Hindi matatawaran ang mga artistang nagsipag ganap dito na pinangungunahan ng Diamond Star na si Maricel Soriano kasama sina Eddie Garcia, Boots Anson Roa, Richard Gomez, Ara Mina, Gina Alajar, Amy Austria, Jay Manalo at marami pang iba. Ginawaran bilang Pinakamahusay ng Pelikula ang Mano Po sa naturang paligsahan ng mga pelikula.

Ginampanan naman ni Kris ang papel ng batang Susan Roces sa sumunod na Mano Po na pinamagatang My Home noong 2003 na hinimay ng direktor na si Erik Matti at isa ring kalahok sa MMFF sa taong iyon. Pinantayan ng ikalawang Mano Po ang nauna kung pasikatan ng artista lamang  naman ang pag uusapan. Pinagsama sama sina Susan Roces, Lorna Tolentino, Christopher de Leon, Kris Aquino, Zsa Zsa Padilla, Judy Ann Santos, Carmina Villaroel at marami pang iba. Kahit hindi nagpahuli ang My Home sa bigat ng mga artistang nagsiganap, hindi nito napantayan ang nahamig ng nauna sa takilya.

Sa kabila ng hindi masyadong matagumpay na kinalabasan ng My Home, hindi nahinto ang nasimulang tradisyon ng Regal Films dahil sa ng sumunod na MMFF noong 2004, nagbida ang nag- iisang Star for All Seasons sa ikatlong pelikula ng Mano Po na pinamagatang My Love na idinirihe ng nagbabalik na si Joel Lamangan.  Nakasama ni Ate Vi ang kanyang paboritong katambal sa pelikula na si Christopher de Leon at nariyan din ang pinagsama-samang mga beterano at batang artista na sina Eddie Garcia, Boots Anson Roa, Jay Manalo, at Amy Austria na kasama rin sa unang Mano Po, Sheryl Cruz, Carlo Aquino, Jean Garcia, Patrick Garcia, Karylle, Angelica Panganiban, Cherry Pie Picache, Dennis Trilllo at John Prats. Hindi yata nakatulong ang malakas na hatak ng isang Vilma Santos sa takilya sa kadahilanang hindi man lang nakapasok ang My Love sa tatlong pinakapinanood ng pelikula sa paligsahan noong taong iyon. Mas pinanood ang mga kalahok na pelikula na may temang katatakutan at pantasya o kababalaghan.

Hindi ko lubos akalain na ang Ako Legal Wife pala nina Zsa Zsa Padilla, Ruffa Mae Quinto at Cherry Pie Picache ay bahagi ng serye ng Mano Po. Sa direksiyon pa rin ni Joel Lamangan, nakipagbanggaan sa takilya ang kakaibang komedya ng Ako Legal Wife katunggali ang ibang pelikulang kalahok sa MMFF noong 2005 na ang tema ay pawang mga katatakutan at pantasya. Hindi matawaran ang mga positibong puna ng mga kritiko sa pang-apat na Mano Po subalit nabigo ito na manguna sa takilya o pumasok man lang sa ikatlong posisyon. Nakigulo din sa pelikula sina Jay Manalo, John Prats, Bianca King, at Ella Guevarra.

Hindi natinag si Mother Lily kahit hindi gaanong humamig ng limpak limpak na salapi ang mga huling pelikula niya kaya’t ibinida niya ang pinakamainit na tambalan noong 2006 na sina Angel Locsin at Richard Gutierez  sa Mano Po 5 Gua Ai Di na kasama sa siyam na pelikulang kalahok sa ika-32nd MMFF. Sina Christian Bautista Lorna Tolentino, Tirso Cruz III, Gina Alajar, Ketchup Eusebio, Michelle Madrigal, Jacklyn Jose at AJ Dee ay nagdagdag din ng kulay sa isang kwento ng masaya at nakakatawa subalit masalimuot na pagmamahalan ng Instsik at Pinoy. Sa kabila ng napaka komersiyal na kwento at sikat na mga artistang nagsipagganap, nabigo pa rin ang Regal Films at si Direk Joel Lamngan na iangat ang kinita ng mga huling pelikula ng Mano Po na  pawang ika-apat na pwesto lamang ang narating sa paligsahan.

Nadala na rin siguro ang Regal Films nang nahinto ang tradisyon nilang lumahok ng isang pelikulang Mano Po sa MMFF sa sumunod na dalawang taon. Nalungkot ang mga nag aabang dito sapagkat nakasanayan na ang Mano Po bawat MMFF simula noong taong 2002. Kahit na nagkaroon ng Bahay Kubo A Pinoy Mano Po noong 2007 kasama si Maricel Soriano , iba pa rin ang nakaugaliang mga pelikula na pamoso, elegante at mala epiko ang dating.

Kaya’t naghiyawan ang mga kaibigan kong intsik at nagdaos naman ng isang piging ang mga kabitbahay kong Tsinoy nang  inanunsiyo ni Megastar Sharon Cuneta ang pagbida niya sa ika-anim at tinaguriang pinakamalaking Mano Po sa kasaysayan sa nalalapit na Kapaskuhan. Magtagumpay kaya sina Direk Joel, Sharon at lahat lahat na bumubuo ng Mano Po My Mother sa malaking hamon na ito?

2 Responses to “Ang Pinakamatagumpay na Seryeng Pampelikula”

  1. anonymous November 6, 2009 at 4:48 pm #

    67.2m ang kinita ng Mano Po 1 sa loob ng dalawang linggo nitong showing.

    • alexanderbsanpedro November 6, 2009 at 6:41 pm #

      thanks for the info. I’ll try to verify that. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: